LPC Stories



𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 | LPC itinalagang bilang opisyal na Sentro ng Wika at Kultura ng KWF; lagdaan ng kasunduan at ugnayan isinagawa

Tap to View

𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 | LPC itinalagang bilang opisyal na Sentro ng Wika at Kultura ng KWF; lagdaan ng kasunduan at ugnayan isinagawa

Date Posted: Feb. 28, 2026

Malugod na naselyahan na ang ugnayan sa pagitan ng Limay Polytechnic College (LPC) at Komisyon sa Wikang Filipino na opisyal na naghihirang sa naturang dalubhasaan na maging Sentro ng Wika at Kultura (SWK) batay sa nilagdaang kalatas ng kasunduan at pormal na inanunsyo sa araw ng seremonya sa pagtatalaga at paglagda noong Pebrero 27 na ginanap sa Bulwagan ng Komisyon, sa Cubao, Lungsod ng Quezon.

Sa naturang seremonya, opisyal at pormal na iginawad ng Komisyon ang pagiging sentro ng LPCsa pangunguna ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, tagapangulo na sinaksihan ng mga komisyoner, tagapamahala at kawani. Kanyang binanggit ang saligan at polisiya, layunin, mga programa at gawain ng Komisyon sa kanyang mensahe ng pagbati.

Samantala, malugod namang tinanggap ni Dr. Elmer De Leon, pangulo ng dalubhasaan ang pagkilala at paggawad ng sentro kaakibat ang mga panagutan, hamon at inisyatibong programa at gawain.

Sa kanyang mensahe ng pagtanggap, kanyang binanggit ang mga paunang programa at gawaing kaugnay sa pagpapalaganap, pagtangkilik, pagpapaunlad at pagsulong ng wikang Filipino kasabay ng pagsulong ng kurso sa pagpapakadalubhasa sa Filipino, gayundin ang paglalapat ng naaangkop na kurikulum at ang pagtataguyod ng wika at kulturang katutubo sa naturang bayan.

Inilatag din nya ang ilang inisyatiba, tulad ng mga kaugnay na pananaliksik pangwika, pagbuo ng mga babasahin at aklat-sangguniang pangwika, paglikha at pag-eksibit ng iba’t ibang anyo ng panitikan, mga programang pang-ekstensyon sa pamayanan ng mga katutubo, paglinang sa kakayahang pangwika ng mga mag-aaral, mga polisiya, gawain, palihang pangwika at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya, institusyon at pamayanan tungo sa higit na pagpapapaigting, pagpapatibay at pagsulong sa pambansang wika.

Si Dr. De Leon ay isang dalubguro at dalubwikang may adhikaing isulong ang wikang Filipino.

Isinagawa ang lagdaan ng memorandum ng kasunduan sa pagitan ng LPC na kinatawan nina Dr. De Leon at Bb. April Cruz, direktor pang-akademya at puno ng Departamento ng Edukasyong Pangguro; at ng KWF na kinatawan nina Atty. Marites Barrios-Taran at Kom. Benjamin Mendillo, Jr., Komisyoner-kinatawan ng wikang Ilokano.

Ayon sa Komisyon, ito ang itinuturing na kauna-unahang lagdaang naganap sa naturang mismong tanggapan, samantalang madalas ay sa mga institusyong nagiging sentro. Kaya naman, isa itong espesyal at makasaysayang tampok na gawain.

Binati ng buong Komisyon ang LPC sa pagtanggap at pakikiisa sa pagsulong ng naturang maka-Pilipinong adhikain. Pinagkalooban din ng Komisyon ang LPC ng mga mapa, gabay, diksyonaryo at aklat pangwikang inilimbag nito.

Nagpaunlak naman sina Kom. Mendillo, Jr. at Kom. Reggie Cruz ng pambungad at pangwakas na pagbati.

Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay ang opisyal na ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas na nagtataguyod, nagpapaunlad at nagpepreserba ng wikang Filipino at iba pang katutubong wika alinsunod sa bisa ng umiiral na Batas Republika Blg. 7104 noong 1991 na naglalayong paunlarin ang Filipino bilang wika ng pananaliksik, edukasyon at komunikasyon.

Para sa patuloy na pagpapalaganap nito ay naglalagay ang ahensiya ng mga sentro ng wika at kultura sa mga karapat-dapat na pagkalooban nito alinsunod sa mga panuntunan at tagubiling kaakibat nito.

Kabilang sa mga dumalo sa seremonya ay sina Kom. Cruz, Kom. Melchor Orpilla, Kom. Evelyn Oliquino at Kom. Alain Dimzon. Samantala, sumaksi naman para sa panig ng LPC sina G. Joemark Ablian, RDE, Dr. John Levy Rueda, puno ng DBA, G. Mark Anthony Banda, tagapag-ugnay sa tanggapan ng QUALITY, at G. John Rudolph Barbin, MCPIO. #

#SDG4QualityEducation