𝗖𝗢𝗟𝗟𝗘𝗚𝗘 𝗡𝗘𝗪𝗦 | LPC dumalo sa Ika-90 Anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino; Kinatawan ng Kolehiyo, nanumpa sa Tungkulin
Date Posted: Nov. 14, 2026
Bilang isang institusyong nagtataguyod sa pagpapahalaga at pagpapayabong ng wikang Filipino at panitikan, buong-pusong tinugunan ng Limay Polytechnic College (LPC) ang paanyaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagdiriwang ng ika-90 anibersaryo nito na ginanap noong Nobyembre 11–13, 2026, sa Escolta Ballroom, Hotel Lucky Chinatown, Binondo, Lungsod ng Maynila.
Dinaluhan ang makabuluhang pagtitipon ng mga kinatawan at direktor ng mga Sentro ng Wika at Panitikan mula sa iba't ibang panig ng bansa bilang pagkilala sa siyam na dekada ng pagsusulong, pangangalaga, at pagpapaunlad ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Pilipinas.
Itinalaga ni LPC President Dr. Elmer B. De Leon si G. Erlindo Sevilla, Direktor ng LPC Sentro ng Wika, bilang kinatawan ng kolehiyo.
Bukod sa pagdalo, pormal din siyang nanumpa sa tungkulin sa seremonyang pinangunahan ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, naghanda ang Komisyon ng pambansang kapulungan, mga sesyong pangwika, gabi ng parangal, at iba't ibang gawaing pampagdiriwang na nagbigay-daan sa pagbabahaginan ng kaalaman, karanasan, at mga makabagong pananaw hinggil sa pagpapaunlad ng wika at panitikan.
Naging tampok na panauhing pandangal si Kgg. Sonny Angara, Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, na naghatid ng mensahe ng pagbati at pagkilala sa mahalagang papel ng KWF sa pagpapanatili at pagpapayabong ng pambansang wika.
Ipinagmamalaki ng LPC ang patuloy na pakikiisa nito sa KWF sa pagtataguyod ng wikang Filipino at panitikang Pilipino.
Lubos ding nagpapasalamat ang kolehiyo sa patuloy na suporta ng Komisyon sa mga gawaing pangwika, kaugnay na ekstensyong programa at pananaliksik na isinasagawa ng institusyon, kabilang ang nakaraang Tertulya ng Wika na nabigyan ng tulong-pinansyal upang maisakatuparan.
Higit pa sa pagdalo sa isang anibersaryo, pinagtitibay ng pakikilahok ng LPC ang tungkulin nitong maging katuwang sa pangangalaga ng ating pambansang identidad, pagpapahalaga sa mga katutubong wika, at pagpapalaganap ng panitikan bilang mahalagang bahagi ng edukasyon at kultura.
Isang maalab na pagbati sa Komisyon sa Wikang Filipino sa siyamnapung taong makabuluhang paglilingkod! Nawa'y patuloy itong maging tanglaw sa pagsusulong, pangangalaga, at pagpapayabong ng wikang Filipino at mga wikain ng bansa sa mga susunod pang salinlahi.
Mabuhay ang Komisyon sa Wikang Filipino! Mabuhay ang wikang Filipino! #
Photocredits: KWF FB Page
#SDG17PartnershipsForTheGoals