𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 | DICT, LPC nagsanib-pwersa; makabuluhang pagsasanay sa AI, inilunsad
Date Posted: Sep. 23, 2025
Sa layuning itaguyod ang kabuuang kaalaman sa digital literacy at paunlarin ang kakayahan sa programming at AI, nagsagawa ang Information Technology Education (ITE) Department ng Limay Polytechnic College (LPC), sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ng isang seminar na pinamagatang “Hour of Code: Learning AI and Coding in a Fun and Engaging Way” noong Setyembre 19, sa LPC Computer Laboratory.
Nagsimula ang umagang sesyon sa pagbibigay ng pambungad na pananalita si G. Mark Andie Ramos, guro ng ITE Department. Agad itong sinundan ng mensahe ni Bb. Andrea Theresse Jumpalad, Project Development Officer II ng DICT, kung saan ay kanyang inilahad ang kahalagahan ng maagang pagkakakilala at pag-unawa sa mga lumilitaw na makabagong teknolohiya.
Nagbahagi naman si Bb. Christine Baguio, DICT, resource speaker mula DICT ng kanyang kaalaman sa paggamit ng makabagong teknolohiya at ginabayan ang mga estudyante sa isang masaya at makabuluhang isang-oras na paglalakbay sa mundo ng artificial intelligence at programming.
Ipinakilala rin n’ya ang Code.org, isang libreng online platform na idinisenyo para sa mga estudyante, guro, at komunidad upang gawing mas madali at kaaya-aya ang karanasan sa pag-aaral ng programming.
Sa pamamagitan ng mga interaktibong module, natutunan ng mga kalahok ang mga batayang kaalaman sa coding at pagsasanay sa AI.
Samantala, ayon pa kay Bb. Baguio, ang pagsasanay na ito libre bilang bahagi ng isang rehiyonal na inisyatiba na pinangungunahan ng ASEAN Foundation, sa suporta ng Google.org, at ipinatutupad sa Pilipinas ng Break the Fake Movement.
Dagdag pa n’ya, layunin nitong palaganapin ang kaalaman sa artificial intelligence sa lahat ng sampung miyembrong bansa ng ASEAN sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman at kasanayan sa 5.5 milyong kabataan, guro, at magulang upang magamit ang AI sa isang responsable at etikal na paraan. #
#SDG4QualityEducation
#SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure
#SDG17PartnershipsForTheGoals