𝗗𝗘𝗩𝗘𝗟𝗢𝗣𝗜𝗡𝗚 𝗡𝗘𝗪𝗦 | LPC magtatampok, bubuo ng pag-aaral at glosaryong pangwika
Date Posted: Mar. 13, 2026
Para sa patuloy na pagsulong ng wika at kulturang Filipino, itinatampok ng Limay Polytechnic College bilang Sentro ng Wika at Kulturang Filipino ang isang proyektong pampananaliksik-wika bilang pagtugon sa hamon na patuloy na palaganapin ang wika at kultura sa isang intelektwalisadong konteksto sa pamamagitan ng pananaliksik at pagbuo ng kagamitan at leksikong pangwika.
Kaya naman, pinaplano at isinusulong ang isang proyektong pampananaliksik-wika sa pakikipag-ugnayan sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Ang naturang proyekto ay tumutukoy sa Pagbuo ng Isang Glosaryo ng Wikang Gamitin sa Pangisdaan at Kostal na Pamumuhay sa Dalampasigan ng Bataan.
Ang naturang pag-aaral ay dadaan sa tatlong prosesong pampananaliksik: ang lingwistik analisis, debelopment, at balidasyon na may kaakibat na tunguhin: (1) Maanalisa ang kaligirang geograpikal, sosyolohikal at historikal ng Lalawigan ng Bataan; 2. Masuri ang wikang ginagamit sa pangisdaan at pamumuhay sa Kostal na Dalampasigan sa naturang lalawigan; 3. Matukoy ang pangangailangan sa pagbuo ng isang glosaryo ng wikang gamitin; 4. Makabuo ng isang glosaryong pangwika sa konteksto ng pangisdaan at kostal na pamumuhay na gamitin sa Dalampasigan ng Bataan; at 5. Mabalideyt ang mga salitang binigyang kahulugang kontekstwal at leksikal sa binuong glosaryo.
Ang bubuuing awtput sa anyong glosaryo ay ilalagak sa archive pangwika ng dalubhasaan at ng Komisyon sa Wikang Filipino habang ang mga sipi naman ay malugod na ibabahagi sa mga tanggapan ng Turismo ng Bataan, Departamento ng Edukasyon, silid-aklatan ng pamantasang pang-estado, departamento ng pagtuturo ng espesyalisasyon sa Filipino, at mga lokal na pambayan at panlalawigang pamahalaan ng Bataan.
Kaya't inaasahang dalawa ang magiging awtput ng proyektong ito, ang buong ng isang pag-aaral na iuulat o ipepresenta sa komperensya at ilalathala sa isang jornal pangwika, at ang pagpapalimbag ng glosaryo bilang kagamitan at leksikong pangwika.
Ang naturang proyekto ay isasagawa nina: Dr. Elmer De Leon at katuwang na si G. Adam Helson Elardo (kapwa mga paham at dalubwika), Bb. April Cruz (tagapag-ugnay sa KWF at kakatawan sa mga tagadalampasigan na syang magiging konteksto ng naturang pag-aaral), G. Joemark Ablian (gatnubay pampananaliksik at balidasyon), at G. John Rudolph Barbin (tagaguhit at tagadisenyo ng magiging awtput at tagapag-ugnay sa pagpapabatid, pagkalap at pagbabahagi ng impormasyong kakailanganin).
Sa kasalukuyan ay may naka-iskedyol na paunang pagpupulong ang lupon para sa pagpaplano at pagdisenyo ng gagawing proyekto. Ito ay pipiliting matapos sa Agosto upang mailunsad sa buwan ng pagdiriwang ng wikang pambansa.
Isa na namang makasaysayang ganap ito para dalubhasaan dahil sa maiaambag nito sa pagpapaunlad ng wika at kulturang pambansa sa ilalim ng pamamatnubay ng Komisyon.
Tunay na kaisa ang LPC sa pagpapalaganap, pagpapaunlad at pagpapayabong ng ating sariling wika at kultura, at higit pa dyan ay ang maitampok ang wika at kultura ng Probinsya ng Bataan bilang bahagi ng ganap na pag-unlad at pagbabago. #
#SDG4QualityEducation